The Wolf: Minsan lang...

ellobofilipino:

Minsan lang ako magsusulat sa wikang Tagalog. At isa ito sa mga di-pangkaraniwang pagkakataon na gagawin ko ito upang maiparating sa iilan nating kababayan ang marahil hindi nila maintindihan kung isusulat ko sa wikang Ingles.

Di ako sumasalungat sa gawain ng iiba na magsulat sa Tagalog, dahil ang pagsusulat ay naaayon sa kung ano ang gamay mong wika na wari mo ay, mas madali mong maibahagi ang iyong saluobin. Ngunit, kung maari lamang ay pigilan na rin natin ang pangingialam natin sa kapwa nating Pilipino na mas gumagamit ng ibang wika sa kanilang pagpapahayag.

Ang pag-gamit ng wika ay naaayon sa kinagisnan ng isang tao at kanyang karunungan. Kung sya ay pinalaki sa isang bahagi ng bansa kung saan hindi Tagalog ang ginagamit, maaring sya ay mas panatag na magbahagi ng kanyang iniisip at nararamdaman gamit ang kanyang wika.

Sa mga tulad sa aming pinanganak sa labas ng Manila, hindi Tagalog ang aming wikang kinagisnan at ginagamit sa pang-araw-araw. Ang Tagalog sa lugar namin ay ginagamit lang sa paaralan, sa mga palabas sa TV, at iilang programa sa radyo. 

Sa iilang bahagi sa Mindanao, mas ginagamit ang Cebuano at Hiligaynon. Itong dalawang wikang ito ay nanggaling sa Visayas, kung saan sila’y ginagamit din, kasabay ng Waray-waray. Ito ang dahilan kung bakit hindi kami sing dalubhasa sa pag-gamit ng Tagalog ng mga taga-Manila.

Sa halip na intindihin ang aming kakulangan sa Tagalog ay pinagtatawanan ang aming paggamit nito at aming punto. Tuwing nagkakamali ang isang Tagalog sa paggamit ng kanyang sariling wika ay nagpapalusot ito gamit ang katagang; “Ay bisaya…” sabay tawa.

Ang mababang pagtingin at panlalait sa aming mga hindi pinanganak at pinalaking Tagalog ang dahilan kung bakit kadalasan ay gustuhin pa naming gumamit ng wikang Ingles sa aming pagpapahayag.

Madalas kong nababasa sa ang mga salitang “pagkakaisa,” “isang bansa, isang diwa,” at yung salawikain galing kay Jose Rizal na “ang di marunong magmahal sa sariling wika ay daig pa ang mabaho at malansang isda.” Sang-ayon ako sa mga isinusulong na adhikain ng mga salitang ito. 

Ngunit paano kung ang aking kinagisnan wika ay hindi Tagalog? Paano kung ang aking kinagisnang kultura ay iba sa kultura ng mga taga-Manila? Paano kung ang pagkakaisang sinusulong ng mga taga-Manila ay susupil sa pag-unlad ng wika’t kultura ng bahagi ng bansa kung saan ako pinanganak?

Sa mga hindi nakakaalam, bagamat sinabi ni Rizal ang mga katagang yun sa paniniwalang mahalaga ang wika sa pag-unlad ng bansa, siya mismo ay nahirapan sa pagsulat ng kanyang mga saluobin at damdamin sa wikang Tagalog. Karamihan sa kanyang mga akda ay nasa Espanyol. Sinubukan nyang isulat sa Tagalog ay sana’y naging huli nyang nobela, ang Makamisa. Ngunit, di nya ito napanindigan at pinatuloy nya ang pagsulat gamit ang wika kung saan mas nahubog ang kanyang karunungan ang pagiging malikhain - Espanyol.

Ganoon din ang nangyayari sa iilan sa ating mga kababayan na mas nasanay na magbahagi ng kanilang saluobin sa wikang Ingles o ibang mga wika sa ating bansa. Kahit na sila’y tinuruan at natutong mag-Tagalog, at sinusubukan nilang gamitin ito, ay hirap pa rin sila sa pag-gamit nito kung ikumpara mo sa mas madalas gumagamit ng wikang Tagalog. 

Ang wika ay isa mga ibinahagi sa atin ng ating mga ninuno at dapat lang ito pagyamanin at gamitin. Ngunit sa isang bansang may higit sa isang daang wika, dapat ay matuto tayong bigyang halaga ang ibang mga wika sa labas ng Manila. Dapat ay pagyamanin din natin ang ibang mga wika sa bansa. Dapat ay maudyok tayong mag-aral at matuto ng iba pang wika liban sa Tagalog.

Maari lang nating maintindihan at mararamdaman ang pagiging isang bansa kapag nagkaroon na tayo ng pananaw na lagpas pa sa mga bahagi ng bansa kung saan tayo pinanganak, at binibigyang halaga natin ang ibang wika at kultura sa ibang bahagi din ng bansa.

Sa susunod… Cebuano naman…

Took the words right out of my mouth.

As much as I revere and respect native speakers and scholars of Filipino-Tagalog language and literature, there are definitely issues surrounding the neglect, discrimination and/or challenges of non-Filipino-Tagalog speakers that I strongly believe need to be consistently recognized and addressed.

I return now to scouring for (already limited) Cebuano literature accessible on the internet.